Monday, March 22, 2010

Episode 20: Revelations


LALAKE 1: Ka Julian, may nabihag po kaming dalawang kabataan...


Narating na nila ang kampong pinaglulunggaan ng NPA.


KA JULIAN: Dalhin niyo sila rito sa akin.


Marahas na tinulak sina Helena at Lyndon papunta sa kapitan.


HELENA: (mahina) Ano ba?! Bitiwan niyo ko.


Nang makalapit na sila kay Ka Julian...


HELENA: Hello po.


Ngunit hindi nadaan si Ka Julian sa bati ni Helena at nanatili pa rin itong nakasimangot. Kaya yumuko na lang si Helena sa takot at kaba na nadarama. Nakayuko rin pati si Lyndon.


KA JULIAN: Anong mga pangalan ninyo?


Baritono ang boses nito at parang napakaamo at masarap pakinggan sa tenga.


LYNDON: Albert po.... Albert Del Rosario.


Nung una ay nagulat at nagtaka pa si Helena kung bakit nagsinungaling si Lyndon at pangalan pa ng boyfriend niya ang ginamit.


At biglang nag-sink in sa isip ni Helena na rebeldeng grupo ang kausap nila kaya naki-ride na rin siya sa pagsisinungaling ni Lyndon.


HELENA: Ako naman po si Mafalda... Mafalda Pineda.


HELENA: Gamitan pala ng pangalan ng syota nang may syota ah! Sige.


KA JULIAN: Ilang taon na ba kayo?


HELENA AT LYNDON: Nineteen po.


KA JULIAN: Hindi ba kayo pakawala ng militar?


Nagkatinginan sina Lyndon at Helena at sabay na napailing...


LYNDON: Hindi po... m--mga... mga estudyante lang po kami...


LALAKE 1: Yayariin na po ba natin, Ka Julian? Pakawala ba sila ng mga militar


Tinignan nang matagal ni Ka Julian ang dalawa. Hinawakan ni Ka Julian ang baba ni Helena at inangat ang mukha nito at sinipat-sipat ng tingin; gayundin ang ginawa niya kay Lyndon.


KA JULIAN: Mukha namang hindi sila pakawala ng militar. Isa pa'y mga bata pa’tong mga ‘to. Pwede pa natin silang mulatin.


At sabay pumasok si Ka Julian sa isang kubo.


*************

MEDYO malaki na rin ang kampo ng NPA sa Mt. Arayat. Mga sampung kubo at mga labing-limang tent ang nasa kampo. Tinatayang nasa mahigit sinkwentang NPA ang naka-base roon.


May de-baterya silang radyo at telebisyon sa kubo na pinagpatuluyan kina Lyndon at Helena. Ngunit nakapatay ang dalawang kagamitan nang mga oras na iyon.


Napansin ni Lyndon na tahimik si Helena sa magdamag nilang magkasama sa kubo. Nakaupo sa sahig at magkatabing nakagapos sila ni Helena sa posteng kawayan sa loob ng kubo.


Binabantayan naman sila ng isang NPA na tumutugtog ng gitara at sinasabayan niya ng kantang makabayang na hindi alam ni Helena.


LALAKENG NPA: ♫ Kaysarap mabuhay sa sariling bayan, kung walang alipin at may kalayaan. Ang bayang sinisiil bukas ay babangon din. ♫


Napaisip si Lyndon kung pinaghahanap na ba sila ng kanilang mga kaklase. Siguro by now ay alam na ng mga kaklase nila at ni Sir LQ na nawawala na sila ni Helena.


Nag-aalala rin si Lyndon kung hanggang kailan sila mabibihag ng NPA... or kung makakalaya pa ba sila at makaalis sa kuko ng NPA nang buhay.


Binalot tuloy ng takot si Lyndon sa mga naiisip na iyon kaya kinausap niya si Helena upang mawala sa isip ang takot.


LYNDON: Helena? (mahinang tawag ni Lyndon.)


HELENA: Lyndon?


LYNDON: Helena... kumusta ka na?


Hindi nakasagot si Helena. Nahinuha ni Lyndon na natatakot si Helena kaya nilingon niya ito.


LYNDON: Hel... natatakot ka ba? Na baka sakaling hindi na tayo makawala rito, na mabulok tayo rito, or di na tayo makaalis dito ng buhay...


Narinig ni Lyndon na huminga ng malalim si Helena at ang paggalaw ng babae na nasa likuran niya.


HELENA: Hindi ako natatakot, Lyndon... dahil kasama kita.


Sabay tumingin siya kay Lyndon. Nahalata ni Lyndon na galing sa pagluha si Helena dahil may bakas pa ng luha sa mga mahahaba nitong pilik-mata.


LYNDON: Sige, Helena, pilitin nating maging matapang, para sa isa’t-isa.


Iaangat sana ni Lyndon ang kanyang mga kamay para punasan ang mga luha ni Helena at nagulat siya nang di niya ito maiangat. Saka lang niya naalala na nakagapos siya kaya napatawa sila nang mahina.


Gustong maibsan ni Lyndon kahit paano ang takot ni Helena. Kaya umisip siya ng sasabihin dito...


LYNDON: Helena, alam mo na yung alamat ng rabbit?


HELENA: Huh? Hindi eh... Bakit? Ano ba 'yun?


LYNDON: Sa isang kagubatan kasi, eh may isang bagong sulpot na rabbit. Wala pang alam yung rabbit sa paligid niya kaya naglakbay yung rabbit para mag-explore sa paligid.


HELENA: Tapos?


LYNDON: Tapos yung rabbit may nakasalubong na apat na paa. Tinanong niya ito.


RABBIT: Apat na paa, apat na paa. Anong hayop ka?


LYNDON: Nahalata ng may apat na paa na bagito sa gubat ang rabbit kaya naisip niyang samantalahin ito.


APAT ANG PAA: Gusto mong malaman??? KISS MUNA!


SMACK!


LYNDON: E di kiniss na ng rabbit yung may apat na paa. Kaya sumagot na yung may apat na paa.


APAT ANG PAA: Elepante ako.

RABBIT: Ah.. Ok...


LYNDON: Tapos naglakad ulit yung rabbit, nakakita naman siya ng dalawang paa. Kaya tinanong niya rin ito.


RABBIT: Dalawa ang paa, dalawa ang paa. Anong klaseng hayop ka?


DALAWA ANG PAA: Gusto mong malaman? KISS MUNA!


SMACK!!


LYNDON: E di sumagot na yung dalawa yung paa...


DALAWA ANG PAA: Manok ako. Manok ako.

RABBIT: Ah.. Ok...


LYNDON: Tapos lakbay ulit yung rabbit.


HELENA: Tapos?


LYNDON: Nakakita naman siya ng sprugudung.


HELENA: Ano yung sprugudung?


LYNDON: ....


HELENA: ???


LYNDON: Gusto mong malaman????.... Kiss muna!


HELENA: Ahhh! Loko-loko ka ha. Hahahaha.


LYNDON: Hehe.


Nung una ay pinipigilan pa nila ang pagtawa... pero dahil pareho silang natatawa na ay napalakas ito.


At napansin ni Lyndon na pulang pula ang mukha ni Helena noong mga oras na yun.


LYNDON: Ang ganda ni Helena. At mas maganda siya pag tumatawa .Masaya ako dahil kahit papaano napasaya ko siya. Kahit sa mga simpleng kalokohan ko, napatawa ko siya.


Tawa sila nang tawa. Kung tatanungin niyo kung pano sila tumawa, define HALAKHAK. Kung mas may ititindi pa yata ang halakhak eh yun na yun.


Parang hirap na hirap silang huminga habang tumatawa. Lalo na si Helena.


LYNDON: Mahirap palang bigyan itong si Helena ng sobrang nakakatawang hirit, baka mamatay sa kakatawa. Pero kahit ganoon, anghel parin siya. Oooopppsss... Lyndon... kilala kita... baka .. naku.. ingatan mo na ang puso mo. Sinaktan ka na niyan dati.. wag mo na ulit hayaan.. wag ka na ulit mahulog sa kanya...


Dahil sa tawanan nila ay nagalit na ang lalakeng NPA na nagbabantay sa kanila. Tumigil na ito sa pagpapatugtog ng gitara...


LALAKENG NPA: Aba'y ang iingay niyo ah! Magsitahimik nga kayo dyan...


At natahimik na sina Lyndon at Helena. Nag-gitara ulit ang bantay.


Na-bored si Lyndon na nakagapos lang at nakatali kaya kinausap niya ang bantay.


LYNDON: Uhm... Manong... pwede po bang... makahiram ng gitara niyo...


Tinignan si Lyndon nang masama ng bantay...



LYNDON: Nababagot na po ako dito. Ayaw niyo naman kami mag-usap ng kasama kasama ko, so peram na lang po ng gitara...


Tinignan ulit ng bantay si Lyndon...


LYNDON: Kuya, promise po. Hindi po ako tatakas. Mahihirapan naman po akong tumakas dito. Bago pa ako makatakas dito, for sure naman na limampung bala ng baril ang tatama sa akin bago makatakas.


Napaisip sandali ang bantay. Kapagdaka'y nakita na rin niya siguro ang logic ni Lyndon kaya kinalagan niya ito. Pati rin si Helena ay kinalagan na niya.


Binigay ng bantay ang gitara kay Lyndon. Nung una ay nangingimi pa si Lyndon na kunin yung gitara. Pero kinuha na rin niya.


Umupo si Lyndon at inihiga niya ang gitara sa mga hita niya. Pagkatapos ay marahang pinupukpok ni Lyndon ang strings ng gitara at ginawang parang beatbox ito...


Magagalit sana ang bantay dahil tingin niya ay hindi talaga marunong magitara si Lyndon dahil parang ginagawang laruan niya lang ang gitara..


Pero nagustuhan niya ang paraan ng pagtugtog ni Lyndon sa gitara niya dahil maganda ang tunog na nalilikha nito.


Kinakalabit-kalabit din ni Lyndon ang ilang strings ng gitara habang bini-beatbox ito. Lalong gumanda ang musikang nalikha...


Kahit si Helena ay namangha kay Lyndon...




Tinigil na ni Lyndon ang pagtugtog. Nagkatinginan sila ni Helena at nagkangitian. At nagulat sila nang biglang nanggaling sa kung saan ang malakas na palakpakan...


Sa pinto ng kubong tinutuluyan nila ay nandoon ang mga NPA na natigil sa ginagawa nila at napakinig sa pagtugtog ni Lyndon...


Sa harapan nila ay si Ka Julian. Hindi siya pumapalakpak. Sa halip ay para itong galit...


Natakot si Lyndon nang makita ang mukha ni Ka Julian. Ganun din si Helena.


Pero unti-unti, lumuwag ang ngiti sa mga labi ni Ka Julian at napapalakpak...


Nagngitian sina Lyndon at Ka Julian...


At sa pagngingitian nilang iyon, may kung anong nadama si Ka Julian kay Lyndon...


******************

Kumain sila ng hapunan gamit ang dahon ng saging sa palibot ng isang bonfire. Nasa pinaka-ulo ng bilog si Ka Julian, at sa kanan naman niya ay may dalawang bakanteng pwesto at may nakahain ng dahon ng saging na may kanin at ulam na bakang inihaw.

Kinausap sina Lyndon at Helena ng bantay...


BANTAY: Umupo kayo sa tabi ni Ka Julian.


Agad na tumalima sina Helena at Lyndon. Si Lyndon ang umupo sa mismong tabi ni Ka Julian.


KA JULIAN: Kumain kayong mabuti mga bata, at may pag-uusapan tayo mamaya.


At nagsimula namang kumain nang nakakamay sina Helena at Lyndon. Napansin ni Lyndon na hindi sanay magkamay si Helena at di pa marunong maghimay ng baka...


Pero kahit paano ay nakakahimay si Helena at unti-unting nasasanay sa pagkakamay. Napangiti si Lyndon...


KA JULIAN: Bigay ng isang symphatizer ang bakang kinakain natin ngayon. (sina Lyndon at Helena ang kausap niya nito.)


HELENA: Ano po ang symphatizer, Ka Julian?


KA JULIAN: Ang sympathizer ay isang tao na hindi kabahagi ng kilusan ngunit naniniwala sa adhikain at kaisa ng kilusan sa ipinaglalaban nito. Karaniwang mga magsasaka ang sympathizer namin.


********************

Natapos na silang kumain. Kanya-kanya na ng gawain ang mga NPA. Nasa upuan sa ilalim ng isang punong mangga sina Ka Julian, Lyndon, at Helena...


LYNDON: Bakit ho ba kayo namumundok?


KA JULIAN: Bago ko sagutin yang tanong mo, Albert, may itatanong din ako sa inyo...


Nagtaka si Lyndon kung bakit siya tinawag na "Albert" ni Ka Julian. At bigla niyang naalala na ayun pala ang pakilala nila kay Ka Julian...


LYNDON: Ano po iyon, Ka Julian?


KA JULIAN: Handa na ba kayong mamulat?


Hindi ibig manakot ni Ka Julian sa tanong niyang iyon ngunit nakaramdam ng takot si Helena, at batid niyang ganun din si Lyndon.


Alinlangan pang tumango na lang nang sabay sina Helena at Lyndon.


KA JULIAN: Kaya kami namumundok... dahil gusto namin na unang mulatin ang mga magsasaka sa nagaganap na di-pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan at ang pang-aapi na ginagawa ng mga naghaharing-uri sa mga magsasaka.



Nakaramdam ng konting guilt si Lyndon dahil may hacienda ng palay at mais ang angkan nila. Ang Tatay Lando niya ang namamahala nito at kahit na hindi nakikialam masyado si Lyndon, nababalitaan niya ang medyo di-magandang pakikitungo ng tatay niya sa mga magsasaka...



KA JULIAN: May tatsulok na namumuo sa ating lipunan. Nasa pinakatuktok sila ng tatsulok ang mga panginoong maylupa, komprador burgesya, at pambansang burgesya. Sila ang bumubuo sa 1% bahagi ng lipunan...


HELENA: Ka Julian, ano po ang mga komprador at pambansang burgesya?


KA JULIAN: Sila ang mga mayayaman ng bansa. Sila ang mga naghaharing-uri na patuloy na pumipiga ng lakas at talino ng mamamayan para sa kanilang pakinabang.


LYNDON: Pumipiga? Paano pong...


Nagpatuloy sa pagsasalita si Ka Julian na parang hindi narinig si Lyndon...


KA JULIAN: Pangalawa sa tatsulok ay ang mga petiburgesya o yung mga gitnang uri at ang mga manggagawa. At sa pinakababa ng tatsulok ay ang mga magsasaka. Ang mga magsasaka ang bumubuo ng pinakamalaking bahagdan sa lipunan natin.


Binalingan ni Ka Julian si Lyndon ng tingin...


KA JULIAN: Albert, tinatanong mo kung paanong ginagatasan ng mga naghaharing uri ang mga nasa ibaba ng tatsulok?


LYNDON: Opo, Ka Julian...


Ipinako ni Ka Julian ang tingin kina Lyndon at Helena...


KA JULIAN: Naghihirap ang mga manggagawa dahil wala silang pag-aaring mga kagamitan sa produksyon at nagbebenta ng kanilang lakaspaggawa upang lumikha ng tubo para sa mga kapitalista kapalit ng napakababang sahod, di makataong kalagayan sa paggawa at kawalan ng seguridad sa trabaho. Pinagsasamantalahan sila ng mga kapitalistang dayuhan at lokal.


Nagpatuloy si Ka Julian...


KA JULIAN: Ang mga magsasaka, na ang mayorya ay wala o kulang ang lupa ay inaapi at pinagsasamantalahan ng luma at bagong tipong mga panginoong maylupa. Pasanin nila ang mataas na upa sa lupa, mababang sahod at usura. Patuloy silang inaagawan ng lupa ng mga panginoong maylupa, burukratang kapitalista at korporasyong dayuhan. Marami sa kanila, lalo na ang saray ng maralita at mababang panggitnang magsasaka ay napipilitang magbenta ng kanilang lakas-paggawa sa isang takda o mahabahabang panahon para sa kanilang ikabubuhay.



Somehow ay naliwanagan sina Helena at Lyndon sa mga tunay na kalagayan ng bansa...


HELENA: Pero po, Ka Julian, maiba po tayo.


KA JULIAN: Ano yun, Mafalda?


Medyo napa-pikit si Helena nang tawagin siyang Mafalda ni Ka Julian. Naiinis siya at nandidiri sa pangalan...



HELENA: Ano po ba ang balak niyo sa amin ni Ly--Albert. Ba't niyo po kami dinakip. Papahirapan niyo po ba kami? Hihingan ng ransom sa gobyerno... papatayin... tulad ng mga naibabalita sa mga dyaryo at TV.



Napatingin si Lyndon kay Helena. Hindi siya makapaniwalang maitatanong iyon ni Helena.


Namangha siya sa katapangan ni Helena kahit na mahahalata na may konting bakas ng pag-aalala at takot ang boses niya habang tinatanong si Ka Julian...


KA JULIAN: Ang mga nababasa at napapanood mo sa TV, iha... ay kasinungalingan lahat.



Nagulat sina Lyndon at Helena sa sinabi ni Ka Julian...


HELENA: Paano pong kasi--


KA JULIAN: Black propaganda ng media ang karamihan sa mga masasamang mga paratang sa amin. Suportado ng gobyerno ang media. Sa katunayan nga, mga militar ang mga nandudukot at kadalasang nagpapahirap at pumapatay sa mga sibilyan. Ibinibintang ng media sa amin lahat ng kalokohan ng mga militar...


HELENA: Pero po... ba't niyo po kami dinukot ni Lyndon?


KA JULIAN: Hindi namin kayo dinukot para pahirapan. Kung hindi pa namin kayo kinuha, baka militar pa ang makakuha sa inyo at pagkamalan kayong NPA at ayun ang gawin nilang dahilan para ma-harass kayo ng militar. At saka nag-iingat din kami na baka pakawala kayo ng militar para mahuli kami..


LYNDON: Hindi po, Ka Julian. Mga estudyante pa lang po kami...


KA JULIAN: Tamang-tama at habang bata pa kayo'y mamulat kayo sa tunay na kalagayan ng ating lipunan at hindi ang nais lang ipakita ng media. Mabuti na lang at nakausap ko kayo...


At ngumiti si Ka Julian kina Lyndon at Helena. At binalingan ni Ka Julian ng tingin si Helena...


KA JULIAN: Bukas ng umaga... makakalaya na kayo ni Albert...


Sa pag-uusap na iyon kay Ka Julian, nakita nina Lyndon at Helena “in a better light” ang mga NPA... na may mga punto rin ang mga ipinaglalaban nila.


Ngunit sa loob-loob ni Helena, di pa rin siya pabor sa ginagawang pamumundok ng mga NPA, dahil sa tingin niya na napapabayaan na ng mga namumundok ang kanilang sariling kapakanan.


Habang nakaupo pa rin sila sa upuan sa ilalim ng mangga ay napapaisip ni Helena...


HELENA: Mahal ni Ka Julian at ng iba pa sa kilusan ang bayan kaya nila ginagawa itong pamumundok. Ganun ba talaga pag nagmamahal ka? Handa kang magsakripisyo alang-alang sa sinisinta mo? Handa kang magparaya kahit nasasaktan ka na? Ganun ba talaga ang tunay na nagmamahal?


At napasulyap si Helena kay Lyndon, at lihim na napangiti si Helena...

***************

LUMALIM na ang gabi ngunit di pa rin makatulog si Lyndon. Hindi na sila tinalian ng mga NPA kaya malaya na silang nakakagalaw.


Magkatabi silang nakahiga ni Helena sa kama sa loob ng kubong pinaglagakan sa kanila kanina.


Tumayo si Lyndon sa kinahihigaan at pinagmasdan si Helena...


LYNDON: Maganda ka pa rin talaga kahit na natutulog ka, Helena. Para kang si Sleeping Beauty... at ako naman ang makisig pero pandak na Prince Charming mo...


At isang tumutugtog ng gitara ang narinig niya mula sa labas ng kubo kaya nilabas niya ito at nakitang mag-isa si Ka Julian sa labas at tumutugtog ng gitara at nakaupo sa isang upuang kahoy.

Nagulat si Lyndon nang makita ang paraan ng pagtugtog ni Ka Julian ng gitara. Katulad iyon ng kanyang ginawang pagtugtog sa gitara kanina: nakahiga rin ang gitara sa mga hita ni Ka Julian at kinakalabit-kalabit din ni Ka Julian ang ilang strings ng gitara habang bini-beatbox ito.


LYNDON: Ka Julian...


KA JULIAN: Oh, Albert, nagising ba kita? Pasensya ka na... (at itinigil na nito ang pagigitara)


LYNDON: Hindi... hindi po. Ayos lang po.

KA JULIAN: Marunong ka ring mag-gitara, di ba?


LYNDON: Opo..


KA JULIAN: Tara, samahan mo ko rito.


Umupo naman si Lyndon sa tabi ni Ka Julian. At ibinigay ni Ka Julian ang gitara kay Lyndon.

KA JULIAN: Yung paraan ng pagtugtog mo ng gitara kanina...yung pagpukpok at pagkalabit ng strings madalas kong gawin yun nung kabataan ko. Matagal ko nang di ginagawa yun. Kaya sobra akong natuwa nang nakita kitang kaya mo rin pala ang ganoong estilo ng pagtugtog...


Napangiti na lang si Lyndon...


KA JULIAN: Tugtugan mo nga ako...


Napatingin si Lyndon sa langit para mag-isip ng tutugtugin.


LYNDON: Ito pong tutugtugin ko ay para sa ating bansa... sa hinihiling ng inyong kilusan at ng lahat ng mga Pilipino na pagbabagong na sana'y mangyari...


At sinipat ni Lyndon ang gitara, kinalabit, at nagsimulang tumugtog at kumanta.







Napatingin si Lyndon kay Ka Julian habang tinutugtog niya ang kanta. Nakangiti ito sa kanya na parang natutuwa sa ginawa niyang pagtugtog.


At nagulat si Lyndon na alam pala ni Ka Julian ang kanta dahil nakikisabay siya sa pagkanta...


Pagkatapos tumugtog ni Lyndon, binigay niya kay Ka Julian ang gitara...


LYNDON: Kayo naman po ang tumugtog, Ka Julian...


At si Ka Julian naman ang nagpaunlak ng tugtog. Ang kantang "Vincent" ang tinugtog niya...


KA JULIAN: ♫ Starry starry night, paint your palette blue and grey. Look out on a summer's day with eyes that know the darkness in my soul. Shadows on the hills, sketch the trees and the daffodils. Catch the breeze and the winter chills, in colors on the snowy linen land. ♫


Nang matapos tumugtog ni Ka Julian, tinapik nito sa balikat si Lyndon.


KA JULIAN: Sa tuwing inaawit ko ang awiting iyon, naalala ko tuloy ang kasintahan ko. Ayan ang paborito niyang kanta, kaya ayan din ang lagi kong tinutugtog sa kanya noon, madalas nga sa piano ko pa siya tinutugtugan....


Naalala bigla ni Lyndon ang Mama Carmen niya. Ayun din kasi ang paborito ng Mama niya...


LYNDON: Nasaan na po ba ang kasintahan niyo?


KA JULIAN: Naghiwalay na kami matapos kong sumapi dito sa kilusan...


Dama sa boses ni Ka Julian ang kalungkutan...



KA JULIAN: Pero nagkaanak kami bago kami nagkawalay at ang pag-anib ko sa kilusan. Hindi nauunawaan ng kasintahan ko na para sa anak din namin ang pagsali ko sa kilusan. Tingin kasi ng kasintahan ko na sa pagsali ko sa kilusan ay siyang pagtalikod ko sa responsibilidad ko sa kanya’t sa anak namin. Dyan siya nagkakamali. Kaya mula nang umanib ako sa kilusan, itinuring na akong patay ng buong pamilya ko.



Napatingin sa malayo si Ka Julian at nagpatuloy sa pagkukwento....



KA JULIAN: Mahal ko sila, lalo na ang kasintaha’t anak ko, kaya umanib ako sa kilusan. Gusto ko silang magkaroon ng magandang bukas. Ngunit hindi nila ako naiintindihan. Hindi nila naiintindihan na kailanma’y hindi tinatalikuran ng mga nasa kilusan ang responsibilidad nila sa anak at pamilya nila bagkus ay tinutupad pa namin ito sa mas malaking perspektibo.



Napatigil sumandali si Ka Julian bago nagpatuloy...



KA JULIAN: At ang anak ko... kasali siya sa mga batang gusto naming mabigyan ng mas maganda’t maayos at makataong lipunan. Para sa kanya at sa iba pang mga batang gaya ng anak ko kaya mahalagag magkaroon ng isinusulong naming pagbabago....



LYNDON: Nakilala niyo pa po ba ang anak niyo? Ang kasintahan niyo po, nasaan na po?


KA JULIAN: May asawa na ang pinakamamahal kong kasintahan. Masakit man sa akin ay kailangan kong tanggapin na itinuring na niya akong patay...



Nakadama ng sakit para kay Ka Julian si Lyndon...


KA JULIAN: Sa Bacolor na sila ngayon naninirahan ang kasintahan ko kasama ng anak ko at ng bago nilang pamilya.


Ikinagulat ni Lyndon ang pahayag na iyon ni Ka Julian kaya napabulalas si Lyndon...


LYNDON: Sa Bacolor din po ako nakatira... kami po ni Hel—este Mafalda. Baka po kilala namin ang kasintaha’t anak niyo at makausap pa namin... pag pinalaya niyo na po kami bukas...


At nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila. Si Ka Julian na ang bumasag nito...


KA JULIAN: Kapampangan ka rin wari? (Kapampangan ka rin ba?)


LYNDON: Wa. (Oo.)


Napangiti si Ka Julian kay Lyndon nang malamang Kapampangan din si Lyndon.


KA JULIAN: Komusta kayu na ning tau mu? (Kumusta na kayo ng girlfriend mo?)


LYNDON: Ali ke pu tau. (Hindi ko po siya girlfriend.)


Pero namumula si Lyndon...


KA JULIAN: Pero sisinta me? (Pero mahal mo siya?)


Napangiti na lang si Lyndon at natahimik. Naramdaman niya rin na nag-init ang mga pisngi niya.


Nang maramdaman niyang namumula na siya, pinilit nniyang ibahin ang usapan. Ayaw niyang sagutin ang tanong na iyon ni Ka Julian...


LYNDON: Itang istorya yu pu nandin... (Yung kinukwento niyo po kanina...)


At itinuloy na ni Ka Julian ang naudlot niyang kwento sa wikang Kapampangan.


KA JULIAN: Apulo-anyos ya pa ing anak ko anyang talwi keng ikit king piano recital king eskwela da anyang elementary ya. Byasa ya ring magpiano, balamu yaku. King pamaglawe ku pin, kanaku ne amana ita. Sinikap ku talagang makababa king bundok kanita a ali magpa-dakap bang akit at apanalbe ke mu.


SUBTITLE: Sampung taong gulang ang anak ko nang huli ko siyang nakita sa isang piano recital sa paaralan nila noong elementary siya. Magaling din siyang mag-piano tulad ko. Tingin ko nga, sa akin niya namana iyon. Sinikap ko talagang bumaba ng bundok nun nang di nagpapahuli makita’t mapanood ko lang siya.


Naalala ni Lyndon na nung ten years old din siya ay sumali siya sa piano recital sa paaralan nila.


KA JULIAN: Manibat kanita, e ku ne asubaybayan ing anak ku. E ku ne pin man balu ing itsura na. Kasing-edad mu ne siguro ngeni, Albert. (Mula noon ay di ko na nasubaybayan ang anak ko. Ni hindi ko na nga maalala ang itsura niya. Mga kasing-edad mo na siya ngayon, Albert.)


LYNDON: Nanung lagyu na ning anak at tau yu, Ka Julian? (Anong pangalan ng anak at kasintahan niyo, Ka Julian?)


May pag-aalala sa tinig ni Lyndon. Sa loob-loob niya kasi ay parang may kung anong nag-uusig sa kanya na kailangan niyang malaman ang pangalan ng anak at asawa ni Ka Julian.


Bumuntong-hininga si Ka Julian at nagsalita...

KA JULIAN: Lyndon... Lyndon James Punzalan. Anak ko siya kay Carmen Punzalan... na ngayon ay asawa na ng kapatid ko. (may hinagpis at kalungkutang saad ni Ka Julian.)


Naluha si Lyndon sa rebelasyong iyon ni Ka Julian at bigla siyang napausal...


LYNDON: Mang—Mang Lester... kayo po ba yan?


Pagkagulat ang gumuhit sa mukha ni Ka Julian sa tanong na iyon ni Lyndon. Lalo pa siyang nagulat nang makita niya ang mga luha sa mata ni Lyndon.


KA JULIAN: Albert, iho... p—paano mong nalaman ang pangalan ko? Ang tunay kong pangalan?


LYNDON: Ka Julian... Mang Lester... ako po ito... si Lyndon... Lyndon James Punzalan...



TO BE CONTINUED...



Previous Episode: Episode 19: Captives



Tuesday, March 16, 2010

Episode 19: Captives



SIR LQ: Class, sa next Saturday na ang akyat natin sa Mt. Arayat. Pupuntahan na natin ang newly-built resort na ima-market natin. Class, this is a class project kaya galingan niyo.


Matagal nang sinabi ito sa kanila ni Sir LQ. Isang kumpare niya na galing sa Amerika ang bumalik sa Pilipinas at nagtayo ng resort sa Mt. Arayat.


At dahil bagong tayo pa lang ang resort at sa medyo itaas pa ng bundok naka-locate, naisip ni Sir LQ na tulungan ang kumpare niya sa pagma-market o paggawa ng advertisement o promotion ng bagong resort at ito nga ang naisip niya na ipa-project sa Marketing Management class niya.


Nagpakita nang kasabikan ang lahat pagkarinig nito. Ang iba nga ay nag-usap na ng mga plano nila pag nasa resort na sila.


LOUIE: Hindi naman siguro nakakaitim na dun pag naligo ka. Sa taas naman ng bundok yung resort eh...


Nagtawanan ang marami...


CHRIS: Naku, for sure isasama ng marami dyan ang mga syota nila...


ANGELO: Inggit ka lang Chris kasi si Shiela mo nasa Tate! Hehehe!


RAMON: Naku, alam na pag may isinama.. sexy time! Ehehehe...


LOUIE: Buti pa si pareng Lyndon... andito lang sa klase ang ka-sexy time.. ehehe


LYNDON: Dana Louie! Kasigla mu! (Kaingay mo!)


LAHAT: Hikkeee!!!


Lalong lumakas ang kantiyaw ng mga ka-block nila. Pinamulahan pareho ng mukha sina Lyndon at Mafalda na magkatabi ng upuan sa likuran.


SIR LQ: Kayo na ba?


MAFALDA: Eeeehhhh! Sir naman!


SIR LQ: Kayo talagang mga bata kayo. Hindi tayo pumunta dun para "mag-biological and reproductive research." Hindi Sogo ang pupuntahan natin. We will go there to have a marketing research...


At nagtawanan ang lahat. Doon napansin ni Chelsea na tanging si Helena, na katabi niya nang mga oras na yun, ang hindi nakitawa sa klase sa sinabi ni Sir LQ.


Dun lang din napansin ni Chelsea na absent si Albert.


CHELSEA: Pir, ok ka lang ba? Parang ang lalim ng iniisip mo?


HELENA: Ha? No. It's nothing pir.


At tumayo bigla si Helena. Napatingin ang lahat kay Helena at natahimik...



HELENA: Excuse me...


At naglakad palabas ng classroom si Helena at di na bumalik pa. Ikinataka naman ni Chelsea ang ikinilos ng kaibigan.


Kumalat sa block nina Helena ang balitang may namumuong “MU” or mutual understanding sa pagitan nina Lyndon at Mafalda. Halata naman kasi ito dahil sa tuwing magkasama ang dalawa ay napaka-sweet nila sa isa’t-isa.


*****************

Nagyosi sa labas ng kotse niya sa parking lot si Helena paglabas niya. Hindi naman palayosi si Helena. Nagyoyosi lang siya pag may problema siya o depressed.


Pero ngayon ay di niya alam kung bakit siya napapayosi ngayon... hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya ngayon... ang bumabagabag sa kanya... at kung bakit ganun ang inasal niya nang inaasar sina Lyndon at Mafalda...


Mula sa kinatatayuan niya ay nakita niya sina Lyndon at Mafalda na naglalakad papuntang canteen...


At kung anong di-maipaliwanag na kislot ang nadama ng puso ni Helena...


**************

SABIK na sabik ang lahat nang dumating na ang araw ng Sabado. Magkatabi sa bus papuntang Mt. Arayat sina Lyndon at Mafalda.


Magkatabi naman sina Helena at Chelsea ng upuan. Kasama kasi ni Albert ang mga kabarkada nito.


HELENA: Sana ako ang katabi ngayon ni Lyndon.


At bumalik sa alaala ni Helena ang pagkakataon na sumakay sila ni Lyndon sa thriller bus. Napangiti si Helena sa alaalang iyon... at nalungkot din dahil iba na ang katabi ngayon ni Lyndon...


HELENA: Goddamn it! Bakit ganito ang mga naiisip ko.. No.. I should not feeling this way... I should not.


Ngunit di rin mawari ni Helena kung anong "feeling" ang nadadama niya ngayon...


********************

HABANG umaakyat sila sa Mt. Arayat, kitang-kita ang sweetness nina Lyndon at Mafalda sa isa’t-isa.



Laging inaalalayan ni Lyndon si Mafalda kapag may matarik na aakyatin o tulay na tatawirin.


SIR LQ: Oh, konting ingat dito sa pagtawid sa ilog na ito, mga iskolar ng bayan. Medyo madulas dito at baka pag nabagok ang ulo niyo eh madali ang utak niyo.


At kasalukuyan na silang tumatawid ngayon sa ilog. Pinasan ni Lyndon si Mafalda nang tatawid na sila sa isang ilog.


HELENA: LKL talaga ‘tong Mafalda na ‘to kahit kelan! Landi Kung Landi! Hanggang paa lang naman yung ilog eh nagpapapasan pa! At ang kawawang Lyndon, nagpapa-alipin pa!


Nasa ganoong pagmumuni-muni si Helena nang kausapin siya ni Albert.


ALBERT: Bilib din naman ako kay Lyndon nuh? Nagawa niyang patulan si Mafalda.. Ahahaha....


Hawak lamang ni Albert ang kamay ni Helena sa pagtawid sa ilog.


HELENA: Bakal kasi sikmura nyan, kaya natatagalan niya. Tulad mo, na nakatagal din kay Mafalda ng tatlong taon.


ALBERT: Oy.. oy.. oy. Buti nga si Lyndon nasikmura niya pa si Mafalda. Ako nga hindi na umabot sa lalamunan ko, naisuka ko na siya.


HELENA: Ah... kaya pala tatlong taon din kayong nagtagal...(may pang-aasar na sagot naman ni Helena.)


ALBERT: Josko, wag na nga natin silang pag-usapan. (napipikon na.)


Upang iwaglit na lang sa isipan sina Lyndon at Mafalda, minasid ni Helena ang paligid at inisip na niya kung anong magandang pang-hatak ng tao ang isa-suggest niya sa may-ari ng resort.


HELENA: Dahil nasa itaas ng bundok ang resort, kailangang patagin ang daan papunta mismo ng resort para hindi na matatarik ang akyatin ng mga tao. At dahil kailangan ding tumawid ng ilog, dapat may nakahanda nang bangka. Maganda yun.. what a romantic moment... lalo na sa mag-boyfriend...


Nang maisip niya ang salitang mag-boyfriend, di naiwasan ni Helena na balingan ulit ni Helena ng tingin sina Lyndon at Mafalda. Pasan pa rin ni Lyndon si Mafalda.


HELENA: Madulas sana kayo!


At parang nakinig sa kanya ang mga engkanto ng bundok at nadulas nga sina Lyndon at Mafalda sa ilog. Dahil nakapasan si Mafalda kay Lyndon, ang babae ang unang bumagsak at nabasa sa ilog.


Nadaganan naman ni Lyndon si Mafalda. Nagtawanan ang lahat ng nakakita sa insidente.


HELENA: Buti nga sa inyo! For sure bali-bali na ang buto ng Mafalda na yan!


Ngunit nawala rin agad ang tuwa ni Helena nang bigla niyang nakitang inaalalayan ni Lyndon si Mafalda na makatayo na nagtatawanan pa kasama ng iba pa.


Ibinaba na ni Lyndon si Mafalda nang paakyat na ulit sila sa isang matarik na lugar. Nang maibaba na ni Lyndon si Mafalda ay nagsalita naman si Sir LQ.


SIR LQ: Class, take out the guide questions I gave you last meeting. Medyo malapit na tayo sa resort.


MAFALDA: Lyndon, di ba nasayo yung guide questions natin?


LYNDON: Oo, andito sa bulsa ko.


Sabay pasok ng kanang kamay sa breast pocket ng damit niyang polo. At gumuhit sa mukha niya ang kaba.


LYNDON: Mafalda, nawawala yung guide questions natin. Nahulog ata sa ilog nung nadulas tayo.


MAFALDA: Gosh! You’re so careless kasi kaya nadulas tayo kanina! Paano na tayo ngayon nyan?


LYNDON: E di manghiram na lang tayo sa mga ka-block natin...


MAFALDA: No! Magkakaiba tayo ng mga tanong na in-assign ni Sir LQ! Nadulas na nga tayo kanina, naiwala mo pa yung guide questions nating dalawa! Yari tayo nyan kay Sir LQ! Hala, hanapin mo yun!


HELENA: At dahil dyan, LQ na rin kayo ngayon!


LYNDON: Sige, hahanapin ko na lang sa ilog. Hanggang paa lang naman yung ilog kaya baka madali ko pang makita yun. Tsaka readable pa naman siguro yung questions kahit nabasa na yun.


Sabay nagmadali itong bumaba papunta sa ilog.


At hindi man lang hinintay ni Mafalda si Lyndon. Nag-make face pa si Mafalda bago sumunod sa mga kaklase nila sa pag-akyat sa bundok.


Sinundan ni Helena ng tingin si Lyndon na pababa sa ilog.


HELENA: Nagpapaalipin ka sa buto-buto na yan?


Naisipan ni Helena na kunin ang cellphone niya para itext si Chelsea dahil hindi na niya ito nakikita. Pagkakuha niya ng kanyang cellphone, ay siya namang pagtapak sa madulas na daan ng bundok dahilan para mabitawan niya ang cellphone niya.


Buti na lang at nahawakan pa ni Albert ang kamay ni Helena kaya hindi ito nasubsob.


Ngunit ang cellphone naman ni Helena ay gumulong pababa ng daan papunta sa ilog kung saan busy si Lyndon sa paghahanap ng guide questions nila ni Mafalda.


Kaya todo takbo si Helena sa paghabol sa gumugulong niyang cellphone. Binulyawan naman siya ni Albert.


ALBERT: Hoy, Helena! Mayaman ka na! Ba’t mo pa kukunin yang pipitsugin mong cellphone!


Nokia 3310 lang kasi ang cellphone na iyon ni Helena. Iniwan niya sa pad niya ang IPhone niya.
Ngunit di na pinansin pa ni Helena si Albert at patuloy pa rin siya sa paghabol sa cellphone niya na patuloy pa ring gumugulong pababa.


Dahil naman sa inis ni Albert na di siya pinansin ni Helena, tumuloy na rin ito sa pag-akyat sa bundok para sundan ang mga kaklase nila at iniwan na si Helena.


Samantala, napansin ni Helena na nakita na ni Lyndon sa ilog ang guide questions nila ni Mafalda at magsisimula na itong umakyat sa bundok hawak ang guide questions na basa.


Sakto namang malapit na sa river side ang cellphone ni Helena nang matapakan ito ni Lyndon nang di sinasadya dahil nakatingin si Lyndon sa guide questions at hindi sa daan.


Pagkatapak ni Lyndon sa cellphone, nadulas siya di niya sinasadyang masipa ang cellphone sa ilog at nabasa.


HELENA: Arrrrgggghhhhh! What have you done to my cellphone!


Sumubsob naman si Lyndon sa putikang river side nang matapakan at madulas ito sa cellphone ni Helena. Kagyat namang tumayo si Lyndon na medyo putikan na ang damit. Pinulot niya rin ang guide questions pagkatayo.


Si Helena naman ay patakbong pumunta sa ilog para i-retrieve pa ang cellphone niya. Pagkakuha rito ni Helena, sinubukan niyang i-on ito pero hindi na nago-on.


HELENA: Kasalanan mo ‘to! Kung tumitingin ka lang sa dinadaanan mo kanina, hindi sana masisira ang phone ko!


LYNDON: Helena, relax ka lang. It’s just Nokia 3310, kaya kong bayaran pa yan sa’yo.


HELENA: May sentimental value ang phone na ito sa akin, it’s not just Nokia 3310 as you said it.


LYNDON: Pasensya ka na... di ko naman kasi sinasadya na masipa yan. Hayaan mo, sige, papalitan ko na lang yan. At least, kahit paano, pag galing naman sa akin yung 3310 mo, magkaroon din ng sentimental value.


Hindi na nakabanat pa si Helena. Tinignan niya ang putikang si Lyndon... at naalala na naman niya ang ginawang pagtulong sa kanya ni Lyndon nung malubak siya sa daan na umuulan nung first day ng class. Putikan din kasi noon si Lyndon.


LYNDON: Tara na, mukhang di ko na natatanaw mga ka-block natin. Mukhang naiwan na tayo.


Sabay lahad ni Lyndon ng kamay niya kay Helena para alalayan siya sa pag-akyat sa bundok.
Minata naman ni Helena ang palad ni Lyndon.


HELENA: I can walk on my own, thanks! But no thanks. (mataray)


At hindi mawari ni Helena kung bakit para siyang nasaktan nang tarayan niya si Lyndon.


LYNDON: OK, sabi mo eh.


Sabay kibit-balikat si Lyndon na tumalikod kay Helena at sinimulan nang umakyat ng bundok.


Napalinga si Helena sa paligid. Sila na nga lang ni Lyndon ang nasa ilog. Nauna nang umakyat ang mga kablock nila...


Ngunit habang paakyat ulit ng bundok, hingal na hingal si Helena dahil nahapo ito sa pagtakbo pababa ng habulin niya ang cellphone niya.


Napansin ito ni Lyndon kaya inilahad niya ulit ang palad niya kay Helena.


LYNDON: Wag mo ulit sasabihin na ‘I can walk on my own, thanks! But no thanks’ kasi obvious na pagod na pagod ka na.


May pang-aasar na wika ni Lyndon na gaya pa ang pagkakasabi ni Helena ng I can walk on my own, thanks! But no thanks.


Kaya kahit reluctant, kinuha na rin ni Helena ang palad ni Lyndon at hinawakan ito.


Dinama ni Helena ang init ng pagkakahawak ni Lyndon sa kanya, at parang kung anong kuryente ang dumaloy mula sa pagkakahawak-kamay nila patungo sa katawan niya na nai-summarize ni Helena sa iisang salita: kilig!


HELENA: No way!!!!!!!! Hindi ako kinikilig! NO! Hindi kilig itong nadarama ko... Hello...ba't naman ako kikiligin kay Lyndon?


Pero kahit anong tanggi ni Helena sa sarili hindi niya mapigilan na pamulahaan ng mukha at unti-unting pagpintig ng puso niya...


Tahimik silang dalawa na naglalakad paakyat ng bundok.


At kinabahan silang dalawa nang matigil sila sa isang intersection na may tatlong iba’t-ibang daanan. Wala silang makitang bakas ng mga kaklase nila kung saan nagsuot ang mga ito.


HELENA: OMG! What are we going to do?


LYNDON: Sandali, may cellphone ako, tatawagan ko si Louie.


Sabay kuha ng cellphone niya sa bulsa ng shorts na suot niya. Ngunit bumakas ang pagkabahala sa mukha ni Lyndon pagkakuha sa cellphone.


HELENA: Oh, bakit? (nagtataka at kinakabahan)


LYNDON: Dana! Nabasa rin pala ang cellphone ko nung madulas kami ni Mafalda sa ilog! Ayaw na ring mag-on!


HELENA: Ayan na nga ba ang sinasabi sa hula, oo! Ano nang gagawin natin ngayon niyan! Paano natin sila makokontak? And we’re going to be stuck in this goddamned forest!


LYNDON: Sandali lang, for sure may mga taong naninirahan sa paligid-ligid. Magtanong-tanong tayo. (minasid-masid ang paligid)


Mula sa likuran niya ay may narinig na kaluskos sa damuhan si Helena at kinabahan siya.


At lumakas ang kaluskos sa damuhan at dumami at mula sa mga kaluskos ay biglang nag-materialize sa damuhan ang tatlong armadong mga lalake na nakasuot ng mga damit-pansaka.


Sa sobrang takot ni Helena ay napayakap siya kay Lyndon. Nang yumakap si Helena, dun lang napansin ni Lyndon ang presensya ng tatlong armadong lalake na nakatutok na ang mga baril sa kanilang dalawa.


LYNDON: Hello po. (nagawa pang bati ni Lyndon sa mga armadong lalake na katono pa ng pagkakasabi ni Santino ng May Bukas Pa.)


Akala siguro ni Lyndon ay baka kaawaan pa sila ng mga armadong lalake sakaling gayahin niya si Santino.


Kahit na kinakabahan, lihim na natawa pa rin si Helena sa ginawang iyon ni Lyndon.


LALAKE 1: Sumama kayong dalawa sa amin nang matiwasay para di namin kayo paputukan!” sigaw ng isa sa kanila. (May suot itong sumbrero na yari sa rattan.)


Tinalian naman ng dalawa pa sina Helena at Lyndon sa kamay at inutusang maglakad at sumunod sa kanila.


LALAKE 1: At wag niyong tatangkaing tumakas kundi hindi kami magdadalawang-isip na paputukan kayo.


Nang mga oras na yon, alam na pareho nina Helena at Lyndon na bihag sila ngayon ng rebeldeng grupo na New People’s Army o NPA.


TO BE CONTINUED....



Previous Episode:



Monday, March 15, 2010

Episode 18: Dencio's



"Meron pa ring pasok kahit na anong sabihin ng TV at radyo na suspended ang klase."

- Pacita Bognot et. al., UPDEPP Deputy Director



Kaya habang nagsasaya ang halos lahat ng schools sa pagkasuspinde ng klase dahil sa Bagyong Ondoy, tuloy pa rin ang hirap ng mga UPEPP students sa di pagkakasuspinde ng klase nila...


Basta sa UPEPP, walang binatbat ang announcement ng PAGASA....


*********************

At sa pagpasok nga nina Lyndon ng klase, mas matindi pa sa bagyo ang sumalubong sa kanilang panget na balita...


Ibinigay na ni Sir Almarion, prof sa Math 101: Statistics, ang resulta ng 2nd exam...


SIR ALMARIO: Ay naku. I'm disappointed by the results of your exams. The mean score is only 65.45 and the mode is only 57! Do you get the idea now, class?!



Tinignan nina Lyndon, Louie, at Chris ang resulta ng exam nila. Sina Chris at Louie lang ang pasado. Pangalawang bagsak na ito ni Lyndon sa exam sa Math 101.


SIR ALMARIO: Puro camote ang nakita kong scores. Sa sobrang dami eh pwede na kong magkaroon ng plantation! Akala ko sa Farmville lang ako makakakita ng plantation! Okay, class dismissed!


Nagbubulungan ang mga kaklase nila habang lumalabas ng classroom. Halos kalahati ng klase ang bumagsak.


Kumain sina Lyndon, Louie, at Chris sa canteen...


LOUIE: Don, okay lang yan. Bawi ka na lang ulit sa susunod. Mabait naman yan si Sir Almario.


CHRIS: Bagsak ka nga sa exam... pero for sure biyaya ang hatid sa'yo ni Ondoy last Saturday. Kumusta kayo ni Helena... Nag-pulang building ba kayo nang ma-stranded kayo? ehehehe


LYNDON: Murit! Ang kukulit niyo kasi. Sinabi ko nang gusto ko na siyang kalimutan, eh itinutulak niyo pa rin ako palapit sa kanya...


LOUIE: So, hindi kayo nagkausap man lang nung Sabado?


Bumalik sa alaala ni Lyndon ang napag-usapan nila ni Helena sa Starbucks nung Sabado... at hindi pa siya handang sabihin ito sa mga kaibigan...


LYNDON: Hindi... Sabi ko nga sa inyo... kakalimutan ko na siya..


CHRIS: Awww.. Naku ka, Don, talagang desidido ka na talaga si Helena mawala sa sistema mo...


At sa pag-uusap nila, nilapitan sila nina Mafalda at Marietta...


MAFALDA: Guys, pwede ba kaming maki-share ng table sa inyo? Wala na kasing bakante eh.


LYNDON: Sure. Upo lang kayo...


At umupo nga sina Mafalda at Marietta...


LOUIE: Kumusta na nga pala yung community service niyo?


MARIETTA: Finally, it's over! Grabe, ang hirap magwalis... Damn that Helena to put us through that kind of pathetic situation...


Kung sina Louie at Chris ang tatanungin, deserve nina Mafalda, Marietta, at Jaden ang mag-community service dahil sa ginawa nila kina Helena at Albert.


Pero nanahimik na lang sila....


CHRIS: Eh yung exams niyo sa Math 101, kumusta?


MAFALDA: Ay, the exam is the other thing that we also need to celebrate! Pumasa kami ni Marietta!


Lalong lumungkot ang mukha ni Lyndon...


MAFALDA: Oh, why that face, Lyndon?


LYNDON: Wala eh... lagapak ako sa exam...


LOUIE: Wag ka na malungkot, tol. Tutal, nakapasa naman kami, tara inuman tayo after class! Celebrate tayo! Sama kayo, Mafalda at Marietta? Gusto mo pati boyfriend mong si Jaden, isama mo, Marietta.


MARIETTA: Go yun! Tara. Saan tayo?


LYNDON: Kelangan pa bang imemorize yan?!!!



Siyempre, as usual, sa Dencio's sa SM Clark na naman ang inuman. This time, kasama na nila ang boyfriend ni Marietta na si Jaden...


The rest ng inuman... puro sina Marietta, Mafalda, at Jaden ang nagsasalita. Pinagsasasabi nila ang hinanakit kay Helena...


MARIETTA: Leche talaga yang Helena na yan! She put us through that hell! Pinaglinis kami ng buong school nang dahil sa kagagawan niya. She might as well go to hell! Leche!


JADEN: Makakaganti rin kami sa kanya. At mas matindi pa gagawin naming paghihiganti. We don't deserve that kind of punishment.


MAFALDA: Hayop talaga yang Helena na yan! Akala mo kung sinong maganda. Di hamak naman na mas maganda ako dun. Ang ewan ko ba kay Albert na yan eh hinabol habol pa ang babaeng yun. Ipapa-check up ko nga yan si Albert sa Executive Optical!



Medyo may amats na ang lahat kaya sa inumang iyon, di maiiwasan na maglabas ng ilang sama ng loob tungkol sa pag-ibig ang mga heartbroken tulad nina Lyndon at Mafalda.


LYNDON: Tama na nga yang usapang kabitteran. Ang pait na nga ng Red Horse na iniinom natin, ang pait-pait pa ng pinag-uusapan natin... Oh knock-knock...


LAHAT: Who's there!?


LYNDON: Padagdag ng cheese...


LAHAT: Padagdag ng cheese, who!


LYNDON: Sa likod ng mga tala kahit sulyap lang Darna! Tumalon kaya ako sa bangin para lang iyong sagipin. Ito ang tanging paraan para mayakap ka.... *padagdag ng cheese!* Awit na nananawagan... baka sakaling napapakikinggan...


Nag-aktong nagda-drums si Lyndon sa "padagdag ng cheese" part para ma-gets ng mga jino-joke-an niya na drum roll yun...


Si Mafalda lang ang natawa sa kanila.. Ang iba, gustong bangasan si Lyndon...


CHRIS: Lyndon, ang joke, dapat nakakatawa. Sinira mo ang reputasyon ng joke! Dana!


MAFALDA: Nakakatawa naman yung joke ah! Slow lang kayong maka-gets!


MARIETTA: Hiki... si Mafalda my friend, natawa kay Lyndon...


LOUIE: Naisip ko lang bigla ano. Akalain mo nga naman ang pagkakataon oh! Si Lyndon, sinaktan ni Helena, at ikaw naman, Mafalda, forgive my word, eh sinaktan ni Albert.


CHRIS: Oo nga nuh. Ba’t kaya hindi na lang kaya maging ‘kayo’?


MARIETTA: Oo nga... bagay kayo! Ayiiii!


JADEN: Tama.. kayo na lang. Kesa hahabol-habol kayo sa dalawang walang kwentang iyon!


Namumula pareho sina Lyndon at Mafalda, dala ng matinding kalasingan at pagka-blush. Dahil sa dami ng serbesa na nainom, animo’y nagkakaigihan na sina Lyndon at Mafalda idagdag pa ang pang-aasar ng mga kaibigan nila.


MARIETTA: Siyangapala, guys, yung organization kasi namin na AES, may upcoming event called Mr. and Miss UP Clark. And we badly need ng mga lalakeng participant kasi kokonti pa lang ang nagpapalista. At sa November na ang event. Mahirap pamu maghanap ng participant pag October kasi sem break na.


Ang Mr. and Miss UP Clark ay isang inter-school beauty pageant sa UPEPP every November.


LOUIE: Ah, ganun ba, Marietta. E di isali natin si Lyndon, tutal kamukha naman nyan si Jake Cuenca eh! Ahahahaha!


CHRIS: Dana! Jake Cuenca! Fake Cuenca ang sabihin mo! Ahahahaha...


MAFALDA: Hoy, wag kayong ganyan kay Lyndon. Hindi niya nga kamukha si Jake Cuenca... pero kahit paano... may itsura naman siya.


Kaya lalong tumindi ang asaran.


MARIETTA: Basta, Lyndon, kasali ka na sa Mr. And Miss UP Clark ah! Wala nang bawian. Hindi lang 'to usapang lasing. Klaro?


LYNDON: Oo na, Marietta. Tignan mo, ako ang magiging pinakagwapo sa gabing yon. Matatalbugan ko pa si Jake Cuenca. (bunga ng kalasingan kaya nasabi iyon ni Lyndon)


JADEN: At lalong mai-inlove sa'yo niyan si Mafalda...


MAFALDA: Hiii! Ano ba kayo. Sensya ka na Lyndon ah. Inaasar ka nila sa akin...


MARIETTA: Hooo! Kunwari ka pa! Eh gusto mo rin naman, Mafalds! Ang laret mo! Ahahaha..


MAFALDA: In fairness... ahahaha...


Kantiyawan na naman ang lahat kina Lyndon at Mafalda. At sa kantiyawan na iyon, mapapansing natutuwa naman sina Lyndon at Mafalda sa inaasar sa kanila...



Nang matapos ang inuman, kahit na taga-Bacolor si Lyndon at medyo umuulan-ulan pa, nagawa niya pang ihatid si Mafalda sa bahay nito sa San Fernando... habang nasa biyahe ay palagay ang loob nilang nagkukwentuhan at nagjo-joke sa isa't isa...


LYNDON: Anong lugar ang maraming mahiyain?


MAFALDA: Ano?


LYNDON: E di... CaMARINEs... ("marine"--->hiya or shyness sa Kapampangan)


MAFALDA: Ah.. ganun. Oh, saang lugar naman sa Pilipinas ang maraming nagliligawan?


LYNDON: Saan?


MAFALDA: E di sa... MALOLOs ("lolo"--->ligaw or courtship sa Kapampangan.)


LYNDON: Sige, bibigyan kita ng trivia. Sinong international singer ang nakarating na sa Pilipinas?


MAFALDA: Hello! Marami nang singer ang nakarating sa Pilipinas...


LYNDON: Isa lang kaya...


MAFALDA: Aber, sino?


LYNDON: E di si... Jason MIRAS ("miras"---> Kapampangan ng "nakarating.")


At tawanan sila nang tawanan sa L300 commuter van.


Natapos ang gabing iyon na may namuong “mutual understanding” sa pagitan nina Lyndon at Mafalda. nang gabing iyon.


Gabi na masyado nang makauwi si Lyndon sa bahay nila sa Bacolor. Nasermunan pa siya ng Tatay Lando niya bago siya nakapasok sa kwarto niya.


Mabuti na lang at wala na ang amats niya pagkauwi ng bahay nila at di siya naamoy ng Tatay Lando niya.


Hindi mawaglit sa isipan niya ang pagkakamabutihan nila ni Mafalda habang nakahiga siya sa kama niya.


Akala ni Lyndon ay dulot lang ng kantiyaw at amats ng beer kaya parang naiigihan siya kay Mafalda... pero ngayong wala na ang amats ay si Mafalda pa rin ang naiisip niya...


LYNDON: Maganda rin naman si Mafalda kahit paano. Mabait pa, masaya kasama, masarap kausap... hindi tulad ni Helena. Siguro, I'm now ready for a new beginning to come along...


At dahil kay Mafalda, desidido nang kalimutan ni Lyndon ang mga "sinayang" niyang pag-ibig kay Helena sa matagal na panahon...


Mula sa kwarto ni Lyndon ay narinig niya ang pagkulog at ang biglaang pagbuhos ng malakas na ulan...


TO BE CONTINUED....


Next Episode:

Previous Episode: