Monday, March 22, 2010

Episode 20: Revelations


LALAKE 1: Ka Julian, may nabihag po kaming dalawang kabataan...


Narating na nila ang kampong pinaglulunggaan ng NPA.


KA JULIAN: Dalhin niyo sila rito sa akin.


Marahas na tinulak sina Helena at Lyndon papunta sa kapitan.


HELENA: (mahina) Ano ba?! Bitiwan niyo ko.


Nang makalapit na sila kay Ka Julian...


HELENA: Hello po.


Ngunit hindi nadaan si Ka Julian sa bati ni Helena at nanatili pa rin itong nakasimangot. Kaya yumuko na lang si Helena sa takot at kaba na nadarama. Nakayuko rin pati si Lyndon.


KA JULIAN: Anong mga pangalan ninyo?


Baritono ang boses nito at parang napakaamo at masarap pakinggan sa tenga.


LYNDON: Albert po.... Albert Del Rosario.


Nung una ay nagulat at nagtaka pa si Helena kung bakit nagsinungaling si Lyndon at pangalan pa ng boyfriend niya ang ginamit.


At biglang nag-sink in sa isip ni Helena na rebeldeng grupo ang kausap nila kaya naki-ride na rin siya sa pagsisinungaling ni Lyndon.


HELENA: Ako naman po si Mafalda... Mafalda Pineda.


HELENA: Gamitan pala ng pangalan ng syota nang may syota ah! Sige.


KA JULIAN: Ilang taon na ba kayo?


HELENA AT LYNDON: Nineteen po.


KA JULIAN: Hindi ba kayo pakawala ng militar?


Nagkatinginan sina Lyndon at Helena at sabay na napailing...


LYNDON: Hindi po... m--mga... mga estudyante lang po kami...


LALAKE 1: Yayariin na po ba natin, Ka Julian? Pakawala ba sila ng mga militar


Tinignan nang matagal ni Ka Julian ang dalawa. Hinawakan ni Ka Julian ang baba ni Helena at inangat ang mukha nito at sinipat-sipat ng tingin; gayundin ang ginawa niya kay Lyndon.


KA JULIAN: Mukha namang hindi sila pakawala ng militar. Isa pa'y mga bata pa’tong mga ‘to. Pwede pa natin silang mulatin.


At sabay pumasok si Ka Julian sa isang kubo.


*************

MEDYO malaki na rin ang kampo ng NPA sa Mt. Arayat. Mga sampung kubo at mga labing-limang tent ang nasa kampo. Tinatayang nasa mahigit sinkwentang NPA ang naka-base roon.


May de-baterya silang radyo at telebisyon sa kubo na pinagpatuluyan kina Lyndon at Helena. Ngunit nakapatay ang dalawang kagamitan nang mga oras na iyon.


Napansin ni Lyndon na tahimik si Helena sa magdamag nilang magkasama sa kubo. Nakaupo sa sahig at magkatabing nakagapos sila ni Helena sa posteng kawayan sa loob ng kubo.


Binabantayan naman sila ng isang NPA na tumutugtog ng gitara at sinasabayan niya ng kantang makabayang na hindi alam ni Helena.


LALAKENG NPA: ♫ Kaysarap mabuhay sa sariling bayan, kung walang alipin at may kalayaan. Ang bayang sinisiil bukas ay babangon din. ♫


Napaisip si Lyndon kung pinaghahanap na ba sila ng kanilang mga kaklase. Siguro by now ay alam na ng mga kaklase nila at ni Sir LQ na nawawala na sila ni Helena.


Nag-aalala rin si Lyndon kung hanggang kailan sila mabibihag ng NPA... or kung makakalaya pa ba sila at makaalis sa kuko ng NPA nang buhay.


Binalot tuloy ng takot si Lyndon sa mga naiisip na iyon kaya kinausap niya si Helena upang mawala sa isip ang takot.


LYNDON: Helena? (mahinang tawag ni Lyndon.)


HELENA: Lyndon?


LYNDON: Helena... kumusta ka na?


Hindi nakasagot si Helena. Nahinuha ni Lyndon na natatakot si Helena kaya nilingon niya ito.


LYNDON: Hel... natatakot ka ba? Na baka sakaling hindi na tayo makawala rito, na mabulok tayo rito, or di na tayo makaalis dito ng buhay...


Narinig ni Lyndon na huminga ng malalim si Helena at ang paggalaw ng babae na nasa likuran niya.


HELENA: Hindi ako natatakot, Lyndon... dahil kasama kita.


Sabay tumingin siya kay Lyndon. Nahalata ni Lyndon na galing sa pagluha si Helena dahil may bakas pa ng luha sa mga mahahaba nitong pilik-mata.


LYNDON: Sige, Helena, pilitin nating maging matapang, para sa isa’t-isa.


Iaangat sana ni Lyndon ang kanyang mga kamay para punasan ang mga luha ni Helena at nagulat siya nang di niya ito maiangat. Saka lang niya naalala na nakagapos siya kaya napatawa sila nang mahina.


Gustong maibsan ni Lyndon kahit paano ang takot ni Helena. Kaya umisip siya ng sasabihin dito...


LYNDON: Helena, alam mo na yung alamat ng rabbit?


HELENA: Huh? Hindi eh... Bakit? Ano ba 'yun?


LYNDON: Sa isang kagubatan kasi, eh may isang bagong sulpot na rabbit. Wala pang alam yung rabbit sa paligid niya kaya naglakbay yung rabbit para mag-explore sa paligid.


HELENA: Tapos?


LYNDON: Tapos yung rabbit may nakasalubong na apat na paa. Tinanong niya ito.


RABBIT: Apat na paa, apat na paa. Anong hayop ka?


LYNDON: Nahalata ng may apat na paa na bagito sa gubat ang rabbit kaya naisip niyang samantalahin ito.


APAT ANG PAA: Gusto mong malaman??? KISS MUNA!


SMACK!


LYNDON: E di kiniss na ng rabbit yung may apat na paa. Kaya sumagot na yung may apat na paa.


APAT ANG PAA: Elepante ako.

RABBIT: Ah.. Ok...


LYNDON: Tapos naglakad ulit yung rabbit, nakakita naman siya ng dalawang paa. Kaya tinanong niya rin ito.


RABBIT: Dalawa ang paa, dalawa ang paa. Anong klaseng hayop ka?


DALAWA ANG PAA: Gusto mong malaman? KISS MUNA!


SMACK!!


LYNDON: E di sumagot na yung dalawa yung paa...


DALAWA ANG PAA: Manok ako. Manok ako.

RABBIT: Ah.. Ok...


LYNDON: Tapos lakbay ulit yung rabbit.


HELENA: Tapos?


LYNDON: Nakakita naman siya ng sprugudung.


HELENA: Ano yung sprugudung?


LYNDON: ....


HELENA: ???


LYNDON: Gusto mong malaman????.... Kiss muna!


HELENA: Ahhh! Loko-loko ka ha. Hahahaha.


LYNDON: Hehe.


Nung una ay pinipigilan pa nila ang pagtawa... pero dahil pareho silang natatawa na ay napalakas ito.


At napansin ni Lyndon na pulang pula ang mukha ni Helena noong mga oras na yun.


LYNDON: Ang ganda ni Helena. At mas maganda siya pag tumatawa .Masaya ako dahil kahit papaano napasaya ko siya. Kahit sa mga simpleng kalokohan ko, napatawa ko siya.


Tawa sila nang tawa. Kung tatanungin niyo kung pano sila tumawa, define HALAKHAK. Kung mas may ititindi pa yata ang halakhak eh yun na yun.


Parang hirap na hirap silang huminga habang tumatawa. Lalo na si Helena.


LYNDON: Mahirap palang bigyan itong si Helena ng sobrang nakakatawang hirit, baka mamatay sa kakatawa. Pero kahit ganoon, anghel parin siya. Oooopppsss... Lyndon... kilala kita... baka .. naku.. ingatan mo na ang puso mo. Sinaktan ka na niyan dati.. wag mo na ulit hayaan.. wag ka na ulit mahulog sa kanya...


Dahil sa tawanan nila ay nagalit na ang lalakeng NPA na nagbabantay sa kanila. Tumigil na ito sa pagpapatugtog ng gitara...


LALAKENG NPA: Aba'y ang iingay niyo ah! Magsitahimik nga kayo dyan...


At natahimik na sina Lyndon at Helena. Nag-gitara ulit ang bantay.


Na-bored si Lyndon na nakagapos lang at nakatali kaya kinausap niya ang bantay.


LYNDON: Uhm... Manong... pwede po bang... makahiram ng gitara niyo...


Tinignan si Lyndon nang masama ng bantay...



LYNDON: Nababagot na po ako dito. Ayaw niyo naman kami mag-usap ng kasama kasama ko, so peram na lang po ng gitara...


Tinignan ulit ng bantay si Lyndon...


LYNDON: Kuya, promise po. Hindi po ako tatakas. Mahihirapan naman po akong tumakas dito. Bago pa ako makatakas dito, for sure naman na limampung bala ng baril ang tatama sa akin bago makatakas.


Napaisip sandali ang bantay. Kapagdaka'y nakita na rin niya siguro ang logic ni Lyndon kaya kinalagan niya ito. Pati rin si Helena ay kinalagan na niya.


Binigay ng bantay ang gitara kay Lyndon. Nung una ay nangingimi pa si Lyndon na kunin yung gitara. Pero kinuha na rin niya.


Umupo si Lyndon at inihiga niya ang gitara sa mga hita niya. Pagkatapos ay marahang pinupukpok ni Lyndon ang strings ng gitara at ginawang parang beatbox ito...


Magagalit sana ang bantay dahil tingin niya ay hindi talaga marunong magitara si Lyndon dahil parang ginagawang laruan niya lang ang gitara..


Pero nagustuhan niya ang paraan ng pagtugtog ni Lyndon sa gitara niya dahil maganda ang tunog na nalilikha nito.


Kinakalabit-kalabit din ni Lyndon ang ilang strings ng gitara habang bini-beatbox ito. Lalong gumanda ang musikang nalikha...


Kahit si Helena ay namangha kay Lyndon...




Tinigil na ni Lyndon ang pagtugtog. Nagkatinginan sila ni Helena at nagkangitian. At nagulat sila nang biglang nanggaling sa kung saan ang malakas na palakpakan...


Sa pinto ng kubong tinutuluyan nila ay nandoon ang mga NPA na natigil sa ginagawa nila at napakinig sa pagtugtog ni Lyndon...


Sa harapan nila ay si Ka Julian. Hindi siya pumapalakpak. Sa halip ay para itong galit...


Natakot si Lyndon nang makita ang mukha ni Ka Julian. Ganun din si Helena.


Pero unti-unti, lumuwag ang ngiti sa mga labi ni Ka Julian at napapalakpak...


Nagngitian sina Lyndon at Ka Julian...


At sa pagngingitian nilang iyon, may kung anong nadama si Ka Julian kay Lyndon...


******************

Kumain sila ng hapunan gamit ang dahon ng saging sa palibot ng isang bonfire. Nasa pinaka-ulo ng bilog si Ka Julian, at sa kanan naman niya ay may dalawang bakanteng pwesto at may nakahain ng dahon ng saging na may kanin at ulam na bakang inihaw.

Kinausap sina Lyndon at Helena ng bantay...


BANTAY: Umupo kayo sa tabi ni Ka Julian.


Agad na tumalima sina Helena at Lyndon. Si Lyndon ang umupo sa mismong tabi ni Ka Julian.


KA JULIAN: Kumain kayong mabuti mga bata, at may pag-uusapan tayo mamaya.


At nagsimula namang kumain nang nakakamay sina Helena at Lyndon. Napansin ni Lyndon na hindi sanay magkamay si Helena at di pa marunong maghimay ng baka...


Pero kahit paano ay nakakahimay si Helena at unti-unting nasasanay sa pagkakamay. Napangiti si Lyndon...


KA JULIAN: Bigay ng isang symphatizer ang bakang kinakain natin ngayon. (sina Lyndon at Helena ang kausap niya nito.)


HELENA: Ano po ang symphatizer, Ka Julian?


KA JULIAN: Ang sympathizer ay isang tao na hindi kabahagi ng kilusan ngunit naniniwala sa adhikain at kaisa ng kilusan sa ipinaglalaban nito. Karaniwang mga magsasaka ang sympathizer namin.


********************

Natapos na silang kumain. Kanya-kanya na ng gawain ang mga NPA. Nasa upuan sa ilalim ng isang punong mangga sina Ka Julian, Lyndon, at Helena...


LYNDON: Bakit ho ba kayo namumundok?


KA JULIAN: Bago ko sagutin yang tanong mo, Albert, may itatanong din ako sa inyo...


Nagtaka si Lyndon kung bakit siya tinawag na "Albert" ni Ka Julian. At bigla niyang naalala na ayun pala ang pakilala nila kay Ka Julian...


LYNDON: Ano po iyon, Ka Julian?


KA JULIAN: Handa na ba kayong mamulat?


Hindi ibig manakot ni Ka Julian sa tanong niyang iyon ngunit nakaramdam ng takot si Helena, at batid niyang ganun din si Lyndon.


Alinlangan pang tumango na lang nang sabay sina Helena at Lyndon.


KA JULIAN: Kaya kami namumundok... dahil gusto namin na unang mulatin ang mga magsasaka sa nagaganap na di-pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan at ang pang-aapi na ginagawa ng mga naghaharing-uri sa mga magsasaka.



Nakaramdam ng konting guilt si Lyndon dahil may hacienda ng palay at mais ang angkan nila. Ang Tatay Lando niya ang namamahala nito at kahit na hindi nakikialam masyado si Lyndon, nababalitaan niya ang medyo di-magandang pakikitungo ng tatay niya sa mga magsasaka...



KA JULIAN: May tatsulok na namumuo sa ating lipunan. Nasa pinakatuktok sila ng tatsulok ang mga panginoong maylupa, komprador burgesya, at pambansang burgesya. Sila ang bumubuo sa 1% bahagi ng lipunan...


HELENA: Ka Julian, ano po ang mga komprador at pambansang burgesya?


KA JULIAN: Sila ang mga mayayaman ng bansa. Sila ang mga naghaharing-uri na patuloy na pumipiga ng lakas at talino ng mamamayan para sa kanilang pakinabang.


LYNDON: Pumipiga? Paano pong...


Nagpatuloy sa pagsasalita si Ka Julian na parang hindi narinig si Lyndon...


KA JULIAN: Pangalawa sa tatsulok ay ang mga petiburgesya o yung mga gitnang uri at ang mga manggagawa. At sa pinakababa ng tatsulok ay ang mga magsasaka. Ang mga magsasaka ang bumubuo ng pinakamalaking bahagdan sa lipunan natin.


Binalingan ni Ka Julian si Lyndon ng tingin...


KA JULIAN: Albert, tinatanong mo kung paanong ginagatasan ng mga naghaharing uri ang mga nasa ibaba ng tatsulok?


LYNDON: Opo, Ka Julian...


Ipinako ni Ka Julian ang tingin kina Lyndon at Helena...


KA JULIAN: Naghihirap ang mga manggagawa dahil wala silang pag-aaring mga kagamitan sa produksyon at nagbebenta ng kanilang lakaspaggawa upang lumikha ng tubo para sa mga kapitalista kapalit ng napakababang sahod, di makataong kalagayan sa paggawa at kawalan ng seguridad sa trabaho. Pinagsasamantalahan sila ng mga kapitalistang dayuhan at lokal.


Nagpatuloy si Ka Julian...


KA JULIAN: Ang mga magsasaka, na ang mayorya ay wala o kulang ang lupa ay inaapi at pinagsasamantalahan ng luma at bagong tipong mga panginoong maylupa. Pasanin nila ang mataas na upa sa lupa, mababang sahod at usura. Patuloy silang inaagawan ng lupa ng mga panginoong maylupa, burukratang kapitalista at korporasyong dayuhan. Marami sa kanila, lalo na ang saray ng maralita at mababang panggitnang magsasaka ay napipilitang magbenta ng kanilang lakas-paggawa sa isang takda o mahabahabang panahon para sa kanilang ikabubuhay.



Somehow ay naliwanagan sina Helena at Lyndon sa mga tunay na kalagayan ng bansa...


HELENA: Pero po, Ka Julian, maiba po tayo.


KA JULIAN: Ano yun, Mafalda?


Medyo napa-pikit si Helena nang tawagin siyang Mafalda ni Ka Julian. Naiinis siya at nandidiri sa pangalan...



HELENA: Ano po ba ang balak niyo sa amin ni Ly--Albert. Ba't niyo po kami dinakip. Papahirapan niyo po ba kami? Hihingan ng ransom sa gobyerno... papatayin... tulad ng mga naibabalita sa mga dyaryo at TV.



Napatingin si Lyndon kay Helena. Hindi siya makapaniwalang maitatanong iyon ni Helena.


Namangha siya sa katapangan ni Helena kahit na mahahalata na may konting bakas ng pag-aalala at takot ang boses niya habang tinatanong si Ka Julian...


KA JULIAN: Ang mga nababasa at napapanood mo sa TV, iha... ay kasinungalingan lahat.



Nagulat sina Lyndon at Helena sa sinabi ni Ka Julian...


HELENA: Paano pong kasi--


KA JULIAN: Black propaganda ng media ang karamihan sa mga masasamang mga paratang sa amin. Suportado ng gobyerno ang media. Sa katunayan nga, mga militar ang mga nandudukot at kadalasang nagpapahirap at pumapatay sa mga sibilyan. Ibinibintang ng media sa amin lahat ng kalokohan ng mga militar...


HELENA: Pero po... ba't niyo po kami dinukot ni Lyndon?


KA JULIAN: Hindi namin kayo dinukot para pahirapan. Kung hindi pa namin kayo kinuha, baka militar pa ang makakuha sa inyo at pagkamalan kayong NPA at ayun ang gawin nilang dahilan para ma-harass kayo ng militar. At saka nag-iingat din kami na baka pakawala kayo ng militar para mahuli kami..


LYNDON: Hindi po, Ka Julian. Mga estudyante pa lang po kami...


KA JULIAN: Tamang-tama at habang bata pa kayo'y mamulat kayo sa tunay na kalagayan ng ating lipunan at hindi ang nais lang ipakita ng media. Mabuti na lang at nakausap ko kayo...


At ngumiti si Ka Julian kina Lyndon at Helena. At binalingan ni Ka Julian ng tingin si Helena...


KA JULIAN: Bukas ng umaga... makakalaya na kayo ni Albert...


Sa pag-uusap na iyon kay Ka Julian, nakita nina Lyndon at Helena “in a better light” ang mga NPA... na may mga punto rin ang mga ipinaglalaban nila.


Ngunit sa loob-loob ni Helena, di pa rin siya pabor sa ginagawang pamumundok ng mga NPA, dahil sa tingin niya na napapabayaan na ng mga namumundok ang kanilang sariling kapakanan.


Habang nakaupo pa rin sila sa upuan sa ilalim ng mangga ay napapaisip ni Helena...


HELENA: Mahal ni Ka Julian at ng iba pa sa kilusan ang bayan kaya nila ginagawa itong pamumundok. Ganun ba talaga pag nagmamahal ka? Handa kang magsakripisyo alang-alang sa sinisinta mo? Handa kang magparaya kahit nasasaktan ka na? Ganun ba talaga ang tunay na nagmamahal?


At napasulyap si Helena kay Lyndon, at lihim na napangiti si Helena...

***************

LUMALIM na ang gabi ngunit di pa rin makatulog si Lyndon. Hindi na sila tinalian ng mga NPA kaya malaya na silang nakakagalaw.


Magkatabi silang nakahiga ni Helena sa kama sa loob ng kubong pinaglagakan sa kanila kanina.


Tumayo si Lyndon sa kinahihigaan at pinagmasdan si Helena...


LYNDON: Maganda ka pa rin talaga kahit na natutulog ka, Helena. Para kang si Sleeping Beauty... at ako naman ang makisig pero pandak na Prince Charming mo...


At isang tumutugtog ng gitara ang narinig niya mula sa labas ng kubo kaya nilabas niya ito at nakitang mag-isa si Ka Julian sa labas at tumutugtog ng gitara at nakaupo sa isang upuang kahoy.

Nagulat si Lyndon nang makita ang paraan ng pagtugtog ni Ka Julian ng gitara. Katulad iyon ng kanyang ginawang pagtugtog sa gitara kanina: nakahiga rin ang gitara sa mga hita ni Ka Julian at kinakalabit-kalabit din ni Ka Julian ang ilang strings ng gitara habang bini-beatbox ito.


LYNDON: Ka Julian...


KA JULIAN: Oh, Albert, nagising ba kita? Pasensya ka na... (at itinigil na nito ang pagigitara)


LYNDON: Hindi... hindi po. Ayos lang po.

KA JULIAN: Marunong ka ring mag-gitara, di ba?


LYNDON: Opo..


KA JULIAN: Tara, samahan mo ko rito.


Umupo naman si Lyndon sa tabi ni Ka Julian. At ibinigay ni Ka Julian ang gitara kay Lyndon.

KA JULIAN: Yung paraan ng pagtugtog mo ng gitara kanina...yung pagpukpok at pagkalabit ng strings madalas kong gawin yun nung kabataan ko. Matagal ko nang di ginagawa yun. Kaya sobra akong natuwa nang nakita kitang kaya mo rin pala ang ganoong estilo ng pagtugtog...


Napangiti na lang si Lyndon...


KA JULIAN: Tugtugan mo nga ako...


Napatingin si Lyndon sa langit para mag-isip ng tutugtugin.


LYNDON: Ito pong tutugtugin ko ay para sa ating bansa... sa hinihiling ng inyong kilusan at ng lahat ng mga Pilipino na pagbabagong na sana'y mangyari...


At sinipat ni Lyndon ang gitara, kinalabit, at nagsimulang tumugtog at kumanta.







Napatingin si Lyndon kay Ka Julian habang tinutugtog niya ang kanta. Nakangiti ito sa kanya na parang natutuwa sa ginawa niyang pagtugtog.


At nagulat si Lyndon na alam pala ni Ka Julian ang kanta dahil nakikisabay siya sa pagkanta...


Pagkatapos tumugtog ni Lyndon, binigay niya kay Ka Julian ang gitara...


LYNDON: Kayo naman po ang tumugtog, Ka Julian...


At si Ka Julian naman ang nagpaunlak ng tugtog. Ang kantang "Vincent" ang tinugtog niya...


KA JULIAN: ♫ Starry starry night, paint your palette blue and grey. Look out on a summer's day with eyes that know the darkness in my soul. Shadows on the hills, sketch the trees and the daffodils. Catch the breeze and the winter chills, in colors on the snowy linen land. ♫


Nang matapos tumugtog ni Ka Julian, tinapik nito sa balikat si Lyndon.


KA JULIAN: Sa tuwing inaawit ko ang awiting iyon, naalala ko tuloy ang kasintahan ko. Ayan ang paborito niyang kanta, kaya ayan din ang lagi kong tinutugtog sa kanya noon, madalas nga sa piano ko pa siya tinutugtugan....


Naalala bigla ni Lyndon ang Mama Carmen niya. Ayun din kasi ang paborito ng Mama niya...


LYNDON: Nasaan na po ba ang kasintahan niyo?


KA JULIAN: Naghiwalay na kami matapos kong sumapi dito sa kilusan...


Dama sa boses ni Ka Julian ang kalungkutan...



KA JULIAN: Pero nagkaanak kami bago kami nagkawalay at ang pag-anib ko sa kilusan. Hindi nauunawaan ng kasintahan ko na para sa anak din namin ang pagsali ko sa kilusan. Tingin kasi ng kasintahan ko na sa pagsali ko sa kilusan ay siyang pagtalikod ko sa responsibilidad ko sa kanya’t sa anak namin. Dyan siya nagkakamali. Kaya mula nang umanib ako sa kilusan, itinuring na akong patay ng buong pamilya ko.



Napatingin sa malayo si Ka Julian at nagpatuloy sa pagkukwento....



KA JULIAN: Mahal ko sila, lalo na ang kasintaha’t anak ko, kaya umanib ako sa kilusan. Gusto ko silang magkaroon ng magandang bukas. Ngunit hindi nila ako naiintindihan. Hindi nila naiintindihan na kailanma’y hindi tinatalikuran ng mga nasa kilusan ang responsibilidad nila sa anak at pamilya nila bagkus ay tinutupad pa namin ito sa mas malaking perspektibo.



Napatigil sumandali si Ka Julian bago nagpatuloy...



KA JULIAN: At ang anak ko... kasali siya sa mga batang gusto naming mabigyan ng mas maganda’t maayos at makataong lipunan. Para sa kanya at sa iba pang mga batang gaya ng anak ko kaya mahalagag magkaroon ng isinusulong naming pagbabago....



LYNDON: Nakilala niyo pa po ba ang anak niyo? Ang kasintahan niyo po, nasaan na po?


KA JULIAN: May asawa na ang pinakamamahal kong kasintahan. Masakit man sa akin ay kailangan kong tanggapin na itinuring na niya akong patay...



Nakadama ng sakit para kay Ka Julian si Lyndon...


KA JULIAN: Sa Bacolor na sila ngayon naninirahan ang kasintahan ko kasama ng anak ko at ng bago nilang pamilya.


Ikinagulat ni Lyndon ang pahayag na iyon ni Ka Julian kaya napabulalas si Lyndon...


LYNDON: Sa Bacolor din po ako nakatira... kami po ni Hel—este Mafalda. Baka po kilala namin ang kasintaha’t anak niyo at makausap pa namin... pag pinalaya niyo na po kami bukas...


At nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila. Si Ka Julian na ang bumasag nito...


KA JULIAN: Kapampangan ka rin wari? (Kapampangan ka rin ba?)


LYNDON: Wa. (Oo.)


Napangiti si Ka Julian kay Lyndon nang malamang Kapampangan din si Lyndon.


KA JULIAN: Komusta kayu na ning tau mu? (Kumusta na kayo ng girlfriend mo?)


LYNDON: Ali ke pu tau. (Hindi ko po siya girlfriend.)


Pero namumula si Lyndon...


KA JULIAN: Pero sisinta me? (Pero mahal mo siya?)


Napangiti na lang si Lyndon at natahimik. Naramdaman niya rin na nag-init ang mga pisngi niya.


Nang maramdaman niyang namumula na siya, pinilit nniyang ibahin ang usapan. Ayaw niyang sagutin ang tanong na iyon ni Ka Julian...


LYNDON: Itang istorya yu pu nandin... (Yung kinukwento niyo po kanina...)


At itinuloy na ni Ka Julian ang naudlot niyang kwento sa wikang Kapampangan.


KA JULIAN: Apulo-anyos ya pa ing anak ko anyang talwi keng ikit king piano recital king eskwela da anyang elementary ya. Byasa ya ring magpiano, balamu yaku. King pamaglawe ku pin, kanaku ne amana ita. Sinikap ku talagang makababa king bundok kanita a ali magpa-dakap bang akit at apanalbe ke mu.


SUBTITLE: Sampung taong gulang ang anak ko nang huli ko siyang nakita sa isang piano recital sa paaralan nila noong elementary siya. Magaling din siyang mag-piano tulad ko. Tingin ko nga, sa akin niya namana iyon. Sinikap ko talagang bumaba ng bundok nun nang di nagpapahuli makita’t mapanood ko lang siya.


Naalala ni Lyndon na nung ten years old din siya ay sumali siya sa piano recital sa paaralan nila.


KA JULIAN: Manibat kanita, e ku ne asubaybayan ing anak ku. E ku ne pin man balu ing itsura na. Kasing-edad mu ne siguro ngeni, Albert. (Mula noon ay di ko na nasubaybayan ang anak ko. Ni hindi ko na nga maalala ang itsura niya. Mga kasing-edad mo na siya ngayon, Albert.)


LYNDON: Nanung lagyu na ning anak at tau yu, Ka Julian? (Anong pangalan ng anak at kasintahan niyo, Ka Julian?)


May pag-aalala sa tinig ni Lyndon. Sa loob-loob niya kasi ay parang may kung anong nag-uusig sa kanya na kailangan niyang malaman ang pangalan ng anak at asawa ni Ka Julian.


Bumuntong-hininga si Ka Julian at nagsalita...

KA JULIAN: Lyndon... Lyndon James Punzalan. Anak ko siya kay Carmen Punzalan... na ngayon ay asawa na ng kapatid ko. (may hinagpis at kalungkutang saad ni Ka Julian.)


Naluha si Lyndon sa rebelasyong iyon ni Ka Julian at bigla siyang napausal...


LYNDON: Mang—Mang Lester... kayo po ba yan?


Pagkagulat ang gumuhit sa mukha ni Ka Julian sa tanong na iyon ni Lyndon. Lalo pa siyang nagulat nang makita niya ang mga luha sa mata ni Lyndon.


KA JULIAN: Albert, iho... p—paano mong nalaman ang pangalan ko? Ang tunay kong pangalan?


LYNDON: Ka Julian... Mang Lester... ako po ito... si Lyndon... Lyndon James Punzalan...



TO BE CONTINUED...



Previous Episode: Episode 19: Captives



4 comments:

  1. Ang mga isinaad na mga kaisipan ni Ka Julian tungkol sa kalagayan ng ating lipunan ay galing sa mga ss. na reference:


    * MAIKLING KURSO SA LIPUNAN AT REBOLUSYONG PILIPINO. Ikatlong Edisyon © 2005.

    * Bautista, L. (1988). Dekada '70. Cacho Publishing House: Mandaluyong City.

    ReplyDelete
  2. Well, well, well..

    Through some twisted will of the universe I came across this little pebble of a story.

    I may not want to admit it (since I'm a frustrated writer), but you've got a good story here.

    Might want to read through the whole thing again, though. I found a lot of grammatical and syntax errors.

    Also maybe some changes in stylistics on some parts just to ease the flow and make better connections.

    I read through the whole thing in about 4 hours (2am-6am) instead of reviewing for my BM142 class later! Haha!


    I do hope this gets to be finished. Otherwise, it'll just be one of the pebbles in the Writer's Road on the Internet, pebbles that weren't refined and completed to become the gems they could be.

    ReplyDelete
  3. aw kabitin..abangan q po mga next episode..
    keep on writing po..ganda ng story :)

    ReplyDelete
  4. aw parang wala ng karugtong ung story :(
    last year pa pala to..sana mg-update :(

    ReplyDelete